Ang pag-ibig ay parang pagmamaneho. Bilang tsuper, ikaw ang nakaka-alam kung dapat dumeretso, kumaliwa, kumanan, pumreno, o huminto. Nasa mga kamay mo ang desisyon kung sino ang pasasakayin mo sa kotse mo.
Sa pag-aaral ko magmaneho, sumagi sa isip ko na ang pag-ibig ay pwedeng ihalintulad dito. Tulad ng pag-ibig, ang pagmamaneho ay nasa tamang panahon. Hindi pwedeng minamadali at lalong-lalo na ang pilitin.
START. Pag sumakay ka sa driver’s seat at hawak mo na ang susi ng kotse, alam mo na dapat kung anong susunod mong gagawin. Iisipin mo muna kung papaano mo patatakbuhin yung sasakyan mo. Parang sa pag-ibig, bago ka pumasok sa relasyon, kinakailangan mo munang alamin ang mga pwedeng kahinatnan ng gagawin mong desisyon. At siyempre, bago mo paandarin ang sasakyan mo, handa ka na dapat sa mga posibleng sumalubong sa’yo sa daan.
PRIMERA. Nandyan na ang pagkapa. Kailangan mong tansyahin kung mamamatayan ka ng makina o hindi. Kailangan nasa tama ang pagtapak mo ng clutch at gasolina. Pag mali, pwede kang mamatayan. Pag tama ang timpla, pwede mo na i-segunda. Parang sa pag-ibig, dumadaan sa ligawan. Kikilalanin niyo muna ang isa’t isa kasabay ng pag-iisip kung siya na ba talaga. Kung lalaki ka, nandyan ang tanong kung itutuloy mo ba ang panliligaw o hindi na. Kung babae ka naman, ang tanong sa isip mo ay kung magpapaligaw ka ba o mambabasted ka.
DIRETSO. Sa pag-aaral ng pagmamaneho, hindi ka muna palilikuin. Kailangan mo muna dumeretso. Parang sa simula ng relasyon, habang nagsisimula, go lang ng go. Ito ang yugto na nakapagdesisyon ka nang ituloy ang pinasukan mo.
KANAN/KALIWA. Hindi pwedeng puro na lang diretso. Habang nagmamaneho ka, may mga lugar na may dead end. Nasa pagpili mo na kung saan ka pupunta - kanan o kaliwa. Sa pag-ibig, ang kanan o kaliwa ang nagmimistulang tama o maling desisyon. Dito lumalabas ang temptasyon na pwedeng ikasira ng relasyon niyo. At dito din lumalabas ang mga bagay para magtulak sa’yo kung susunod ka sa tamang gawain o hindi. Tulad ng kalsada, pwedeng malubak ang lugar ng pinaglikuan mo. Pwedeng pagliko mo may kasalubong kang iba pang sasakyan. Dahil sa ikaw ang may hawak ng manibela, nasa iyo kung iiwas ka o magpapabangga ka.
PRENO. Sa paglalakbay mo, kailangan mo ng matinding desisyon. Pag hindi mo tinapakan ang preno, malamang madidisgrasya ka. Sa relasyon, ang preno ay ang space niyo ng karelasyon mo. Hindi porket kayo na, sa inyo na iikot ang buong mundo. Para pagtibayin ang relasyon niyo, kailangan niyo rin mag-isip kung tuloy pa rin ang byahe niyo. Sa relasyon, kadalasan naririnig ang cool off. Yan ang nagmimistulang preno ng relasyon. Sa pagmamaneho kasi, pwedeng matagalan ang pagpreno mo lalo na pag traffic. Sa pag-ibig, pwede rin matagalan ang pag-iisip kung kailangan na bang ihinto o magpatuloy pa rin.
STOP. Nakarating ka na sa destinasyon mo kaya kailangan mo na huminto. Ganyan sa pagmamaneho. Hindi lang ito basta stop na kailangan mong huminto. Ito yung papatayin mo na ang makina habang ang kotse mo ay nakapark na. Parang sa relasyon, kailangan ihinto kung wala ng patutunguhan. Para walang masaktan at hindi na patagalin pa ang paghihirap ng nararamdaman, mainam pang tumigil na lang. Ito na yung wakas ng pag-iibigan ninyo. Dahil kung hindi pa oras para huminto, gagawa at gagawa ka ng paraan para makapunta sa destinasyong inaasahan niyo. Liliko ka na lang sa kanan o kaliwa at pepreno pag naubusan ka na ng gasolina.
Ganyan ang pag-ibig. Parang pagmamaneho. Nakakapagod pag malayo ang pupuntahan. Pero pag buo ang loob mong puntahan ang isang lugar, mapapalitan ng saya ang pagod na nararamdaman mo. Masakit din pag naaksidente ka. Nariyan ang pag-iisip kung magmamaneho ka pa o hindi na. Parang pag-ibig. Masakit pag iniwan ka o niloko ka. Mag-iisip ka kung magmamahal ka pa o ipapahinga mo muna ang puso mo.
Hindi ako naniniwalang hindi na magmamahal ang isang tao. Depende na lang kung wala ng makakapagpabago sa desisyon niyang hindi na siya magmamahal gawa ng matinding sakit na naramdaman. Gaya sa pagmamaneho, titigil ang isang tao pag ito’y nabaldado.
Lahat ng taong nagmamaneho ay iniingatan ang kanilang ginagamit na sasakyan. Parang ang taong nagmamahal, iniingatan ang puso ng kanilang minamahal.
Ang pag-ibig ay parang pagmamaneho. Bilang tsuper, ikaw ang nakaka-alam kung dapat dumeretso, kumaliwa, kumanan, pumreno, o huminto. Nasa mga kamay mo ang desisyon kung sino ang pasasakayin mo sa kotse mo. May napili ka na bang pasaherong sasama sa paglalakbay mo?